Naka-feature na Post

WELCOME!

Bagama't ang nakaraan na ay nakaraan, hindi na pwedeng balikan, ngunit pwedeng tignan muli.  "Don't look back You...

Linggo, Nobyembre 27, 2016

FASHION: Makeup Trend Then and Now

“Filipinas are among the most beautiful women in the world. There’s no argument about that.” –Krista Garcia

Hindi maikakaila ang pagiging kilala ng gandang Pilipina sa buong mundo. Magmula pa noong 1950’s, 60’s, 70’s, 80’s at hanggang ngayon, hindi kumukupas ang paglitaw at pagningning ng dugong Pinay, na pinatunayan ng mga naging kalahok ng Miss Universe sa mga nagdaang taon.
May natural na ganda ang mga Pilipina; kilala sa kanilang kayumangging balat, kulay-kape o kaya’y itim na mga mata, habilog na hugis ng mukha, katamtamang tangkad, at iba pang maririkit na pisikal na katangian. 



------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Ngunit sa paglipas ng panahon, ang kagandahang ito ay mas lalo pang pinalitaw ng isang sining. Ang pag-aayos ng mukha at buhok ay naging paraan ng mga Pilipina upang mas maipakita pa ang natatanging ganda.
Nagsimula mauso noong 1930’s ang paglalagay ng kolorete sa mukha ng kababaihan. Naging sikat ang pagpapaputi ng pisngi at mapupulang mga labi, maging ang paggamit ng aksesorya gaya ng hikaw at kwintas, at mas detalyadong pag-aayos ng buhok.




------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Kasabay ng pagdaan ng bawat dekada ay ang pag-iiba-iba ng mga uso sa bawat panahon. Noong 1940’s, kung kailan laganap pa rin ang giyera at ang pag-aagawan sa puwesto ng pamumuno sa bansang Pilipinas, kapansin-pansin ang pagiging mas matapang na ayos ng mga Pilipina. Hindi pa rin nawawala ang kolorete sa mukha, ngunit ang buhok ay tila ba naging mas malaya.



Figure 3 Source: http://cnnphilippines.com/lifestyle/2015/05/20/100-years-of-Filipina-beauty-video.html

------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Noong 50’s, naging sikat naman ang mas malinis na ayos kung saan bihira ang nakikitaan ng nakalaylay o nakabagsak na buhok.




------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Pagdating 1960s, naging mas detalyado at plakado ang paglalagay ng meykup sa mukha ng kababaihan. Mas naging engrande ang dating ng buhok, maging ang mga alahas na isinusuot.




------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Sa 1970’s naman, nauso ang mas makapal na kolorete sa mukha at mas makukulay na mga kasuotan at malalaking palamuti sa ulo, maging mga aksesorya. Sa panahong ito, mas makulay, mas maganda.



------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Noong 80’s naman, tila bumalik sa pagiging pormal ang umusong ayos ng mga Pilipina. Masasabing naging kilala rin sa panahong ito ang pagkakaroon ng tinatawag na bangs. Bukod pa rito, kung ikukumpara noong 1970’s, hindi gaanong makapal ang inilalagay na meykup



------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Pagdating ng 1990’s bumida ang pagpapatuwid ng buhok at ang paggamit ng mga alahas na gawa na sa makukulay na klase ng mga bato. Sa kabilang banda, bitbit pa rin nito ang mas simple at mas kaunting kolorete sa mukha.



------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Pagdating ng panahong 2000s, naging mas malawak na ang paraan ng pag-aayos ng buhok at mukha dahil sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya. Nauso na ang madaliang pagkukulot o pagtutuwid ng buhok. Kapansin-pansin din ang paghusay ng sining ng paglalagay ng meykup sa mukha.



------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Kung naging maunlad na noong 2000s, lalo pa noong 2010s. Naging mas malikhain ang mga Pilipino sa pagpili ng mga nagiging uso. Dumami na ang nagpapaikli ng buhok, na kung ikukumpara sa dati’y mas pasok sa panlasa ng mga sinaunang Pilipina ang mas mahabang buhok. Ang tinatawag na eyeshadow ay naging mas marikit kung ikukumpara sa noon, mas napaigting pa ang husay ng mga Pilipino sa paghahalo ng mga kulay ng kolorete na inilalagay sa mukha ng mga Pilipina.



------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Hanggang ngayo’y patuloy pa rin ang pag-iiba-iba ang umuusong mga ayos sa Pilipinas. Dumarami ang nagpapakulay ng buhok, ang iba’y nagpapatuwid, ang iba nama’y nagpapakulot. Mayroong ang gusto’y maikli, mayroon ding ang gusto’y mahaba. Sa pag-aayos ng mukha, lalo pang natuto ang mga Pilipino na ibagay sa iba’t ibang okasyon ang iba’t ibang paglalagay ng make up. Matalinong ibinabase sa kung gaano ka pormal o impormal ang isang okasyon. Dahil din sa make up ay malaki ang ipinagbabago ng anyo ng mga Pilipino. Gayunpaman, hindi pa rin maitatanggi ang natural na ganda ng mga Pilipina, na ang ngiti pa lang ay kaakit-akit na.
Sa panahon ngayon, nagiging mas malaya na ang bawat isa. Natututo nang magpauso ng sariling estilo ang ilan, na siya namang tinutularan ng iba. Sa panahon ngayon, kung ano ang gusto mong, ayos, “Pinay, ikaw na ang bahala!”


By: Angel Ignaco

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento